anumang pagsisikap na ikubli ay pilit pa ring bumabalik ang
daluyong ng maragsang alon.
akala ko ay tapos na, akala ko ay nakatulog na sya. lumayo
at inihele upang mahimbing sa kaibuturan ng dagat ng paglimot. subalit kagyat
ang kanyang paglukob at sa isang hindi inaasahang pagkakataon.
animo isang halimaw na nahimbing sa mahabang panahon, at sa
kanyang paggising ay mas malakas, mas mapusok at mas nagsusumigaw. nakakatakot,
nais kong magkubli sa likod ng katwiran at pagpapanggap. subalit ito ay
mapilit, nanghihila sa isang mundong ito lamang ang may alam.
batid kong ito ay mabuti, subalit sa paghalaw ng mga mata ng
lipunang mapanghusga ay tuwirang ipagkakait ang kahulugang higit pa sa nakikita
ng makamundong mata.
ito ay isang panaginip. nagsimula sa isang katotohanang
ipinagpatuloy ng mahabang ilusyon. mula sa matang nag-aalab hanggang sa mga
haplos ng hanging nagdadala sa mas malalim na agam. ngayon, muling lalabanan
ang hampas ng di mapigil na unos. tatalikod sa isang magandang kalawakan,
lilipad patungo sa realidad ng siphayo.
Twinnie, nosebleed:(
TumugonBurahin