Ang buhay ay maraming mukha. Ito’y maaaring magsimula at
matapos sa iisang hilatsa, iisang kulay. Subalit sa pagtuos nito ay
makakasalamuha ang samu’t saring anyo at palamuti. Sa paghahanap ng kahulugan,
maaari kang maligaw at hindi na makabalik.
Ang buhay ay maaaring ikahon sa larawan ng bawat bangketang
iyong madaraanan: sa bawat pagkalanta ng hinog na saging na hindi na
mapapalitan ng halaga; sa bawat butil ng nilagang mais na katumbas ng bawat
hilab ng pag-asa; sa bawat piraso ng pekeng pelikula na tuwina’y
nakikipaghabulan sa posas ng kalsada; sa bawat masangsang na laman-dagat na
kung aalatin ay magpupulang mata; at sa bawat usok na pumapailanlang sa
lansangang patungo sa rurok ng kagubatan…
….
Maraming tao ang may ganap na pagnanais maglingkod, ng
tapat, ng may dignidad, ng may puso. Subalit hindi nakapagtatakang nasa gitna
pa rin tayo ng panganib ng pagbagsak. Hindi lubos na nakapagtataka kung bakit
walang pag-unlad sa gobyerno, sapagkat ang bawat matataas na opisyal nito ay
narahuyo sa kapangyarihang sarili lamang ang pinagsisilbihan. Ang bawat isa ay
paurong ang pagtanda. Batid man ang paghihirap ng mga tauhan, pinipiling pa
ring wag pansinin at patuloy sa pagpapakalunod sa imahe ng kariktan na pawang
kathang isip lamang.
Maraming pag-aanalisa sa kalagayan ng bansang ngayon ay
kumakalinga sa atin. Maraming pagpuna, may iilang papuri, subalit ang lahat ng
ito ay pawang nananatiling nakapailanlang sa himpapawid. Nangakalutang, walang
patutunguhan. Katulad ng mga titik sa sanaysay na ito. Hanggang saan lamang ang
maaabot ng ganitong mga panulat... hanggang sa kaisipan ng mga nilalang na may
kakayahang magbukas ng mga makabagong kagamitan at marunong umunawa ng mga
titik na nakasalansan. Subalit hanggang saan ang mararating ng aking tinta, hanggang
sa mga mata, hanggang sa isipan lamang. Maaaring may ilan na naturol ang puso
at magsisimulang kumilos, subalit ang iilan lamang ay hilaw.
Nagsasalimbayan sa aking isipan ang mga tagpo sa isang silid
kung saan mainit ang palitan ng pananaw sa kung gaano kabulaan ang gobyernong
sa atin ay naghahari. Subalit nakalulungkot ding isipin na hindi alintana ng
bawat isang nagmamagaling ang pinakadahilan kung bakit sila ay naroroon sa
silid na iyon. Ang pumapailanlang lamang ay ang pagnanais na mailabas ang
naguumapaw na disgusto sa kasalukuyang sistema. Subalit kung ililihis ng kaunti
ang mata at isip, naghihintay sa isang sulok ang kasagutang pilit nagpapansin
ngunit natatakpan ng mukhang kathang-isip lamang. Ang sagot ay nariyan lamang
naghihintay na mapansin, naghihintay na yakapin... sa gitna ng mukhang
kathang-isip lamang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento