Sabado, habang ako'y sakay sa isang pampasaherong jeepney
patungo sa kung saan, may sumakay na mag-iina.
Kita ang kapayakan sa kanilang
pamumuhay, subalit hindi mababakas ang anumang pag-aamot ng higit sa naroroon.
Nakakaaliw pagmasdan habang ang munting paslit ay patuloy sa pag-ngasab sa
isang pirasong mangga, hindi inda kung ito ma’y hindi pa nahugasan.
Matibay
naman ang sikmura niya sa ganoon, palibahasa ay bihasa nga. Maya-maya pa’y
walang anumang inagaw ng musmos ding kapatid upang magbaon ng malaking kagat,
at kagyat ding ibinalik. Ako’y nagalak sa nakita kong ito.
Bigla kong naalala ang buhay noong hindi pa ako nalalayo
sa probinsiya. Ang aking kamusmusan na inadornohan ng payak ngunit maliligayang
mga sandali.
Maya-maya pa, ang eksena ay hinalinhan ng pagsakay ng mamang
pagkarami-rami ng kargada. Mahaba-habang sandali rin kaming nakahimpil habang
hinihintay maikarga ang lahat ng kanyang mga dala.
Hindi ko napigilan ang
mapangiti, paano’y sako-sakong kamoteng kahoy at bugkos ng mga talbos ng kamote
at dahon ng sili ang kanyang bitbit. Pawang mga ani niya ang mga iyon.
Napakasagana. Nakakagalak.
Minsan pa’y sumingit sa aking balintataw ang eksena sa
tabing-ilog habang kami’y nagtatampisaw sa malinaw na tubig (bagaman ito
unti-unti nang nahahaluan ng maduming lupa, na nagpapalabo dito ng kagyat).
…
Kung palalawakin ang pag-iisip, ang mga taong ito’y hindi
maliliit, hindi kaawa-awa. Naging ganoon na lamang sapagkat hinayaan nating
maging gayon ang dikta ng lipunan sa kanila.
Ang kakulangan sa salapi,
kagamitan at intelektwal na kaalaman ay hindi kasalatan. Ang tunay na kasalatan
ay yaong kakulangan sa paggalang sa sarili, sa patuloy na pagtingin sa sarili
bilang mababang alagad ng lipunan. Ang kasalatan ay yaong pagkaganid na manguna
sa iba at magkamal ng makamundong kayamanan, ito ma’y mangahulugan ng pagkasira
ng iba.
Ang mga taong ito’y siyang tunay na kainggitan, sapagkat
sila’y inosente sa makamundong paghahangad. Ang dapat sa kanila’y tingalain at
turuang pahalagahan ang sarili upang hindi ihambing ang sinasabing kasalatan sa
elitistang pamumuhay.
Hindi nila dapat ikintal sa isip na sila’y kaawa-awa at
dapat tulungan, manapa’y turuan silang mag-isip kung paano magiging
kapaki-pakinabang sa iba at sa lipunan. Ang dapat itatak sa kanila ay ang
isiping sila ang dapat tumulong at hindi ang tutulungan.
Siguro kung ganito ang isipin ng lahat ng tao, masaya ang
mundo. Kontento eh. Pero kung ganito nga eh di wala nang mundo… paraiso na yun.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento